Cheering Line Smiley

Wednesday, June 10, 2015

KABET - THIRD PARTY – NAKIKIAPID - SECOND OPTION - HINDI PRIORITY

·         Kabet
·         Third party
·         Nakikiapid
·         Second Option
·         Hindi priority

Ilan lang yan sa mga tawag sa nagmamahal sa taong may mahal ng iba. Ang sakit no? Yung maramdaman mong pangalawa ka lang. Naaalala ka lang kapag magkaaway sila. Yung may kahati ka sa oras niya. Hindi mo siya pwedeng ipagsigawan sa buong mundo. Hindi mo pwedeng ipaglaban dahil alam mong sa simula palang, ikaw na ang talo.

Yung maramdaman mong pansamantala ka lang at kahit na anong oras, maaari ka niyang talikuran at kalimutan ang mga masasayang sandali niyong dalawa dahil wala namang kayo. Hindi naman kayo. Nakakainis pero wala kang magawa kung hindi tanggapin na sa puso niya ay may kahati ka sa pwesto. Wala kang karapatan kasi ikaw ang nakikihati. Hindi ka pwedeng manumbat kung inililihim ka niya sa lahat kasi simula pa lang, pinili mong magmahal ng taong pag-aari na ng iba. Kaya kailangan mong harapin ang bawat sakit na darating.

Ang masakit pa, pinaparamdam niya sa’yo na mas mahal ka niya ngunit hindi niya magawang iwanan yung isa. Napaka unfair. Napakasakit dahil parang pinaglalaruan ka ni Kupido at pinana ka sa taong nakalaan na sa iba. Araw-araw kang nananalangin na sana kayo nalang, sana ikaw nalang. Araw-araw din sayong pinapamukha ang katotohanan na nagmamahal ka ng isang taong turing sa’yo ay reserba lang.

Mahirap bumitaw, lalo na kung nasa gitna ka na ng laban. Pero ang mas nagpapahirap dito ay yung katotohanan na alam mong kapag bumitaw ka, ikaw lang ang masasaktan at luluha. Pero naisip mo ba, sa dami ng tao sa mundo, mayroon diyan na naghihintay lang sa’yo. Mas mamahalin ka at gagawin ang lahat para iparamdam sa’yo na ikaw ang priority niya.