Cheering Line Smiley

Wednesday, June 10, 2015

KABET - THIRD PARTY – NAKIKIAPID - SECOND OPTION - HINDI PRIORITY

·         Kabet
·         Third party
·         Nakikiapid
·         Second Option
·         Hindi priority

Ilan lang yan sa mga tawag sa nagmamahal sa taong may mahal ng iba. Ang sakit no? Yung maramdaman mong pangalawa ka lang. Naaalala ka lang kapag magkaaway sila. Yung may kahati ka sa oras niya. Hindi mo siya pwedeng ipagsigawan sa buong mundo. Hindi mo pwedeng ipaglaban dahil alam mong sa simula palang, ikaw na ang talo.

Yung maramdaman mong pansamantala ka lang at kahit na anong oras, maaari ka niyang talikuran at kalimutan ang mga masasayang sandali niyong dalawa dahil wala namang kayo. Hindi naman kayo. Nakakainis pero wala kang magawa kung hindi tanggapin na sa puso niya ay may kahati ka sa pwesto. Wala kang karapatan kasi ikaw ang nakikihati. Hindi ka pwedeng manumbat kung inililihim ka niya sa lahat kasi simula pa lang, pinili mong magmahal ng taong pag-aari na ng iba. Kaya kailangan mong harapin ang bawat sakit na darating.

Ang masakit pa, pinaparamdam niya sa’yo na mas mahal ka niya ngunit hindi niya magawang iwanan yung isa. Napaka unfair. Napakasakit dahil parang pinaglalaruan ka ni Kupido at pinana ka sa taong nakalaan na sa iba. Araw-araw kang nananalangin na sana kayo nalang, sana ikaw nalang. Araw-araw din sayong pinapamukha ang katotohanan na nagmamahal ka ng isang taong turing sa’yo ay reserba lang.

Mahirap bumitaw, lalo na kung nasa gitna ka na ng laban. Pero ang mas nagpapahirap dito ay yung katotohanan na alam mong kapag bumitaw ka, ikaw lang ang masasaktan at luluha. Pero naisip mo ba, sa dami ng tao sa mundo, mayroon diyan na naghihintay lang sa’yo. Mas mamahalin ka at gagawin ang lahat para iparamdam sa’yo na ikaw ang priority niya.



Tuesday, May 26, 2015

PAGOD NA PUSO

           Ang hirap, ang sakit, nakakapang hina. Yung gabi-gabi nalang iniisip mo kung may nagmamahal ba talaga sa’yo? Sabi nila may darating daw na taong totoong magmamahal sa’yo, tao na hindi ka sasaktan at paluluhain. Pero nasaan na ba? Kailan pa yun? Sabi ng isip ko hindi daw ako pwedeng mapagod maghintay, na ibaling ko nalang muna ang atensiyon ko sa ibang bagay, na ituon ko muna sa pamilya at mga kaibigan ko ang pagmamahal ko.

Iba naman ang ibinubulong ng puso ko, sabi niya sinubukan naman niya. Ilang beses niyang kinalimutan yung iba’t ibang sakit na nararamdaman niya para lang makapagmahal muli pero wala pa din, walang nangyari. Pare-pareho lang din ang ending. Handa naman siyang gawin ulit ang lahat, pero hindi niya alam kung hanggang kailan niya kayang magtiis.

Ngayon, hindi ko alam kung ano ang papakinggan ko. Isip ba o puso ko? Minsan nakakapagod na din sumubok magmahal, masaktan, magmahal ulit, masasaktan ulit. Pero ginagawa pa din natin dahil minsan isa ito sa mga nakakapag bigay sa atin ng sobra sobrang kasiyahan. Isa sa mga nagpapangiti sa atin pag gising natin sa umaga. Kaya handa tayong gawin lahat para lang makilala yung isang tao na para pala talaga sa atin.


Sana pagdating niya, hindi pa tuluyang sumuko magmahal ang puso ko. Yung tipong bubukas ulit siya ng lubusan para papasukin ang taong magmamahal sa akin ng buo. Sana hindi pa siya pagod kahit ano pa man ang pinagdaanan niya. Sana kaya ko pa ulit magmahal.



Saturday, May 23, 2015

BAKIT NIYO PA NILIGAWAN KUNG HINDI NIYO NAMAN PALA KAYANG PANINDIGAN?

                Ang mga babae maarte yan, bipolar, mabilis magpalit ng isip, conscious sa maraming bagay, hopeless romantic, madaling magselos, perfectionist, etc.

                Pero kahit ganun sila, hindi pa rin sila dapat sinasaktan at pinapaiyak. Huwag niyo ng ligawan kung hindi naman pala kayo sigurado sa nararamdaman niyo. Huwag niyo ng pakitaan ng motibo kung landian lang pala yung gusto niyo. Huwag niyo ng pangakuan ng kung anu ano, kung temporary lang naman pala yung feelings niyo.


                Ang mga babae kasi mabilis ma-fall sa mga lalakeng sweet sakanila. Yung nag-eeffort, yung kunwari mahal na mahal sila. Tsaka ang mga babae, wagas kung magmahal kaya sobra sobra din kung masaktan.



Thursday, May 21, 2015

NAHIHIRAPAN PA RIN NA KALIMUTAN KA

                Naiinis ako sa sarili ko kasi hindi ko maramdaman sakaniya yung kilig na naramdaman ko sayo noon. Oo napapasaya nga niya ako pero bakit ganon? Hindi ko maitanggi na mas naging masaya pa rin ako sayo.

                Minsan nga iniisip ko kung nakapag move on na ba talaga ako? Bakit lagi kitang hinahanap sakaniya? Bakit hindi ko mapigilang ikumpara ka kahit alam kong hindi dapat? Nag-iisa ka lang. Kahit anong gawin ko, magkaiba kayo. Dapat hindi ko na balik balikan pa kung anong meron tayo noon kasi wala ng tayo ngayon. May iba ng nagmamay-ari sa’yo. Panahon na siguro para buksan ko ang puso ko sa iba at tigilan na ang kakasunod sa anino mo.

                Ayokong sisihin ka kung bakit ako nagkakaganito. Patuloy kong pinaplastik ang sarili ko sa harap ng mga tao. Natatakot na pumasok sa isang relasyon kasi alam kong hindi ako buo at baka makasakit lang ako. Ikaw ang may kasalanan kung bakit ako nagkaganito. Pero ang laking tanga ko din naman kasi dahil hinayaan lang kita. Kaya eto ako ngayon, nahihirapan pa rin na kalimutan ka.


                Alam kong matatapos din itong paghihirap ko. Nagpapasalamat pa din ako kasi binigyan ako ng taong tutulong sa akin na magpahilom ng sugat na nararamdaman ko. Nagpapasalamat ako sakaniya kasi kahit ang unfair ko, hindi siya nawala sa tabi ko. Magiging okay din ako. And I’ll make it sure na sa susunod na makita mo ako, masaya na talaga ako sakaniya at hindi ko na niloloko ang sarili ko ng dahil sa’yo.



Saturday, May 16, 2015

A BESTFRIEND TYPE OF BOYFRIEND/GIRLFRIEND

               Marami sa atin ang naghahangad ng isang masayang relasyon na may masayang pundasyon. Lalo na sa mga sitwasyon na ang bestfriend mo, ang matalik mong kaibigan sa mahabang panahon ay ang iyong karelasyon sa presenteng pagkakataon ngayon.

                Meron naman sa atin na dahil sa barkada kaya kayo nagkakilala. Yung iba naman aksidente lang at hindi nila talaga mismo inaasahan na darating sila sa pagkakataon na sila’y makakabuo ng isang relasyon. Yung iba naman dati hindi nila inaakala na magiging sila, kasi umpisa palang wala ng pag-asa dahil ayaw nila sa isa’t isa. Pero tingnan mo nga naman ang pagkakataon. Sa dinami-dami ng tao sa mundo, ang taong hindi mo naman inaakala, hindi mo naman inaasahan at hindi mo naman pinapangarap ay magiging sayo pala at mamahalin mo din pala.

                Pero kung ano man at kung paano man kayo nagkatagpo ng lalake o babaeng minamahal mo ngayon, saludo ako sayo. Saludo ako sainyo. Dahil nanatili pa rin kayong matatag, masaya at puno ng pagmamahalan.

                Masarap magkaroon ng isang karelasyon na hindi lang basta kasintahan ang turingan sa bawat isa. Kung hindi isang tunay na magkaugnay, isang kaibigan, mapagkakatiwalaang parte ng buhay at isang taong masasabi mong panghabang buhay. Sabi nila, ang relasyon daw na responsibilidad lang ang turingan sa isa’t isa ay may mas malaking posibilidad na magkahiwalay agad. Bakit? Kasi mas mataas ang expectations niyo sa bawat isa. Magkakahiyaan na mag open up sa bawat suliranin, hindi gaanong maipapakita ang tunay na ugali dahil baka maturn off o baka mairita naman kapag nalaman na ayaw pala ng isa sa mga bagay na gusto naman ng isa. Gets niyo ba? Diba nga, ang relasyon na parang straight line walang patutunguhan kundi isang linya lamang. Naging go with the flow nalang sa sitwasyon at sa bawat pangyayari.

                Ang iba naman sabi nila, ang relasyon parang ganito. Hindi lang basta magkasintahan pero isang tulay sa bawat isa. Ano ba ang ibig sabihin nito? Yung relasyon na masasabi mong hindi lang basta girlfriend/boyfriend, kung hindi isang kaibigan. Loyal, may tiwala, may responsibilidad, may dignidad at masasabing hindi laging kailangan na maging seryoso sa lahat ng bagay. Hindi lang basta kasintahan ang magagampanan niya sa’yo kundi isang matapat na taga suporta sa bawat araw ng iyong buhay.


                Naniniwala kasi ako na ang magbestfriend at ang magkasintahan ay may pagkakaiba pagdating sa pagtuturingan at pakikisama sa bawat isa. Sabi nga nila mas espesyal daw ang magkasintahan. Yung iba naman, yung magbestfriend naman daw. Pero para sa akin, mas okay kung yung taong mahal mo, hindi mo lang partner sa buhay, kundi isa din matalik na kaibigan.


Thursday, May 14, 2015

ANG HIRAP MASANAY SA MGA BAGAY NA AKALA MO MANANATILI PERO HINDI NAMAN PALA

               Ang hirap. Lalo na kung naiwan ka sa kinatatayuan mo at hindi mo alam kung paano ka kikilos at aalis sa lugar kung saan ka niya iniwan. Ni hindi mo alam kung paano at bakit nangyari. Hinihiling mo nalang na sana hindi nalang humantong sa katapusan ang lahat.

                Mahirap magsimula ulit. Panibagong buhay. Panibagong adjustment sa buhay kung saan hindi mo na ulit siya kasama. Matutulog ka sa gabi na hindi mo siya nakakausap at gigising ka sa umaga na wala man lang text mula sakaniya na nagpapangiti sa’yo dati. Gabi-gabi iniisip mo siya at itinatanong sa sarili kung naiisip ka rin ba niya. Bawat umaga pagkagising, tinitingnan ang cellphone at umaasang baka may message mula sakaniya na palatandaan na naalala ka rin niya pagkagising niya.

                Ang hirap paniwalaan na wala na yung dating kayo. Yung dating kayo na palaging nag-uusap at nagkikita. Yung dating kayo na laging magkasama at masaya. Ang hirap paniwalaan na ngayon, hindi ka man lang niya makamusta. Ang hirap paniwalaan na parang kailan lang, kayo ang magkasama. Pero ngayon, may iba na siya.

                Mahirap maiwan kung saan. Hindi mo alam kung paano ulit magsisimula. Ni hindi mo alam kung nasaan ka dahil nawala ka nung kasalukuyang sobra ang pagmamahal mo sakaniya. Hindi mo na alam kung paano mo gagawing “buo” muli ang sarili mo lalo na’t naibigay mo na ang halos lahat sakaniya.


                Dati kasama kita… Kasama kitang bumuo ng pangarap nating dalawa. Pero nasaan ka na? Nananaginip pa rin ako na kasama kita. Umaasang maibabalik pa natin sa dati ang lahat.



Tuesday, May 12, 2015

ANO NAMAN KUNG SINGLE KA?

                Hindi porke maganda ang lovelife niya, maiinggit ka na. Hindi porke single ka, malulungkot ka na. Dumilat ka. Tingnan mo kung gaano kasarap mabuhay ng hindi dumedepende sa iba. Hindi mo kailangan ng partner para sumaya. Kaya mo naman maging masaya ng ikaw lang. Masyado mo lang talagang binubulag ang sarili mo sa presensiya ng iba. Pakiramdam mo hindi mo kaya kapag wala sila. Kaya mo naman. Hindi mo lang talaga sinusubukan.

                Yung inggit na yan? Hindi ka naman dapat naiinggit sa lovelife ng iba. Hindi ka dapat nagiging bitter. Tandaan mo rin sana na ang relasyon parang tao lang yan, huwag mong husgahan sa panlabas na kaanyuan. May pa inggit inggit ka pa, hindi mo naman alam na may pinagdadaanan din ang mga yan.

Bakit ka malulungkot? Lahat ng tao may nilaan na para sakanila. Lahat ng tao may sariling istorya. Hindi man kasing romantic ng istorya sa Wattpad. Hindi man kasing intense ng kwento sa Twilight. At hindi man kasing tragic ng istorya ni Snow White. Maniwala ka. May taong nakalaan para sa’yo na magiging prinsipe mo.

Dapat pa bang malungkot kung single ka? Dapat pa bang mainggit kasi wala kang jowa gaya ng iba? Hindi na. Huwag tanga. Maswerte ka pa nga na hindi ka pinagbabawalan ng mga possessive kuno na jowa. Hindi ka naman nabubuhay para sa ibang tao. Nabubuhay ka para sa sarili mo. Magkakaroon ka rin ng sarili mong kwento. Hintayin mo lang magtama ang puso niyo gamit ang pana ni Kupido.



Saturday, April 4, 2015

Tunay na Pag-ibig

                Lahat ng tao nakatadhana para makaranas ng isang tunay na pag-ibig. Yung true love kung tawagin nila. Akala natin kapag nagmahal na tayo, true love na agad ‘yon. Pero hindi. Pwedeng pag-ibig yan, pero hindi yan tunay na pag-ibig. Iba naman kasi ang true love sa ordinary love lang. Pwede naman kasi tayong magmahal ng kahit na sino. Pero hindi tayo basta basta pwedeng magmahal ng totoo. Kasi ang tunay na pagmamahal, may kasamang pagsasakripisyo, pakikipaglaban, pagiging matatag, pagtitiwala, kaalaman, katapatan at kung ano pa man.

                Ang  tunay na pag-ibig naman kasi, ito yung pinaka kakaibang pakiramdam na kahit anong salita, hindi mo madescribe. Basta ang alam mo lang, mahal mo na siya at handa kang gawin ang lahat para sa pagmamahal na ‘yon. No ifs and no buts.

                Sana lang kapag dumating na sa’yo ang tunay na pag-ibig mo, gawin mo ang lahat. Kasi hindi yan basta basta nalang dumarating. Bihira lang yan. Mahirap mahanap at matagal kung mawala. Minsan pa nga kahit wala na siya, nagmamahal ka pa rin.


Saturday, February 28, 2015

Minsan kahit mahal niyo pa ang isa’t isa, kailangang tapusin niyo na.

                Minsan kahit mahal niyo pa ang isa’t isa, kailangang tapusin niyo na. Kasi minsan, kahit gaano mo kagustong ituloy yung relasyon, hindi mo na magagawa. Kung wala ng tiwala, tapos puro hinala at selos nalang, mas okay yung itigil nalang. Kasi habang pinipilit niyong ayusin ang isang bagay, kung paulit ulit lang din naman ang nangyayari, paulit ulit lang din masisira. Hanggang dumating sa punto na wala na. Durog na.

                Minsan tama na rin yung desisyon na kung nakikita niyo namang wala ng patutunguhan, itigil nalang. Mas okay nang matapos yung relasyon na hindi niyo pa kinamumuhian ang isa’t isa. Mas okay na matapos nalang kaysa naman unti unti ng nawawalan ng pagpapahalaga. Hihintayin niyo pa bang dumating sa punto na mawalan kayo ng respeto sa isa’t isa? Na parang ni minsan hindi kayo naging masaya magkasama? Hihintayin niyo pa bang dumating sa punto na puro sakit at galit nalang?

                Hindi naman porke sumuko ka, duwag ka na. Minsan nga, mas nasusukat pa ang katapangan sa pagharap ng katotohanan na may mga bagay na hindi kayang ayusin o buoin ng pagmamahal lang.


Monday, February 23, 2015

You can love someone, but it doesn’t mean they’re gonna love you back.



               Pwede namang magmahal, pero hindi ibig sabihin nun ay mamahalin ka rin niya pabalik. Yan ang totoo sa pag-ibig. Yan ang isa sa mga rules sa pagmamahal. Hindi mo pwedeng pilitin ang isang taong mahalin ka. Hindi mo pwedeng pwersahin ang isang tao para lang mapansin ka niya at mapaibig mo siya. Kaya kung ayaw niya sa’yo, masakit man pero kailangan mo ng tigilan. Kung talagang pursigido kang mapansin ka niya at matutunan ka niyang mahalin, mag-effort ka. Magkaiba ang pagpupursige at pwepwersahin. Okay?

                Pwedeng pwede naman talagang magmahal eh. Humanga sa mga tao, magustuhan ang personalidad at katangian nila. Kailangan mo lang talagang matanggap na sa pagmamahal, hindi porke’t mahal mo ang isang tao ay dapat mahal ka rin niya. Maswerte ang mga taong mahal sila ng taong gusto nila. Pero nakakalungkot lang dahil karamihan ng taong nagmamahal ay hindi sila mahal ng mahal nila.

                Nasasaktan tayo, umiiyak tayo. Nagkakaroon pa ang iba ng pangako na hindi na sila magmamahal muli. Nagmahal lang naman kayo at ang sakit ay laging nakabuntot sa pagmamahal kaya hindi yan maiiwasan. Normal lang na masaktan sa pagmamahal. Matakot ka kapag hindi ka nasasaktan.

Ang payo ko lang sa mga taong nagmamahal pero hindi sila kayang mahalin pabalik:
“Tanggapin mo kung ano talaga ang mangyayari. Mahal ka niya o hindi. Tanggapin mo.”



Sunday, February 22, 2015

Masakit Mabusted at Mahirap Maghintay



               Ang mga lalaki, akala nila ang sasama naming mga babae kapag nabubusted sila. Pero hindi niyo alam kung gaano kahirap maging babae. Kasi kayo kapag may nagustuhan kayo, pwede niyong ligawan. Pwede kayong mabusted, oo masakit yun. Pwede kayong matorpe. Pero at the end of the day, may magagawa kayo para makamit yung taong inaasam niyo, kasi lalaki kayo.

                Eh kaming mga babae? Wala kaming magagawa kundi maghintay. Maghintay na mapansin ng taong gusto namin. Maghintay na may manligaw. Maghintay sa mga bagay na walang kasiguraduhan. Kapag kami ang gumawa ng first move, malandi agad ang tingin sa amin. Tapos minsan, dahil nga sa wala kaming magawa, hinahayaan nalang namin na makita ang taong gusto namin na may magustuhang iba. Nganga kami lagi. Para kaming nakaupo sa isang bus stop na wala namang dumadaang bus pero araw-araw kaming pumupunta kasi umaasa kami na may darating din. Ganun yung pakiramdam nun. Nakakatangina kaya!

                Hindi ko sinasabing okay lang na nabubusted ang mga lalaki. Pero sana marealize niyo na kung gaano kahirap manligaw, mas mahirap maghintay. Tapos kung minsan, yung dumarating pa ay yung hindi naman namin gusto. Hindi yun pagiging choosy. Akala niyo, kapag hindi namin sinagot ang isang lalaki, choosy kami. Pero hindi. Tulad niyo, namimili kayo ng liligawan. Pinipili niyo yung talagang gusto niyo. Kami din kasi ganun. Hindi naman kasi pwede na kahit sino nalang. Ano yun? Desperada nalang?

“Mahahanap mo rin ang tunay na pag-ibig.”
- sadyang ginawa yata yang kasabihan na yan para sa mga lalaki. Kasi kapag nabubusted, nasasaktan, nagmomove on. Tapos, makakahanap ng magugustuhan, manliligaw ulit. At magpapatuloy ang cycle hanggang sa tamang tao na yung mahanap niyo at maligawan niyo.

“Darating din ang tunay na pag-ibig.”
- Eto naman ang para sa mga babae. Yung walang humpay na paghihintay sa pag-ibig na nararapat. Maghihintay hanggang sa tumama din ang panahon at pagkakataon. Wala namang magagawa. Hindi naman pwedeng hanapin. Kaya hintayin nalang. Darating din yan.           
                                                       

Friday, February 20, 2015

Magpahalaga at Makuntento


               Nagpumilit kang pumasok sa buhay niya. Kahit ang dami mong insecurities sa sarili mo, tinanggap ka niya. Hindi man ikaw yung pinaka maganda o pinaka gwapo sa paningin niya, ikaw pa rin ang pinili niya. Madami man ang nagkakandarapa sakaniya, ikaw pa rin ang gusto niya. Mas pinili niyang lumayo sa iba, huwag ka lang masaktan. Madami man hadlang, pinilit niya pa rin ang sarili niya para ipaglaban ka. Tinupad niya ang hiling mo na huwag ka niyang iwan. Kahit awang-awa na siya sa sarili niya, pinilit niyang iparamdam sa’yo na mahal ka niya at kinakaya niya lahat kahit ang sakit sakit na. Kahit na dumating na yung pagkakataon na kinatatakutan niya, yung siya nalang ang lumalaban.

                Minsan akala natin kulang na kulang pa yung binibigay sa atin ng isang tao. Pero madami tayo hindi napapansin. Madalas kasi naka-focus lang tayo sa sariling damdamin natin. Madalas nakakalimutan na natin yung nararamdaman ng iba. Lalo na kapag may mga tao na nakapaligid sa’yo na sinusulsulan ka na kesyo may iba na yan, pabaya yan, walang kwenta yan.

Madalas akala natin sarili lang natin yung bigay ng bigay pero mas higit pa pala yung ibinibigay ng isang tao sa atin. Sa huli, ang mahalaga lang naman, marunong dapat tayong mag-isip, makaramdam ng tama at makuntento.